Aklan News
Kidlat at brown-out dahilan ng labis na water bill sa bayan ng Libacao
Itinuturong dahilan ng Libacao Water District ang kidlat at brown-out sa biglaang pagtaas ng bayarin sa tubig ng kanilang mga konsumidor.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Libacao SB Secretary Rey Orbista, inimbitahan umano ng 18th Sangguniang Bayan sa kanilang session noong Hunyo 13 ang pamunuan ng Libacao Water District particular ang kanilang General Manager na si Elizabeth Zubiaga at kaniyang mga Board of Directors upang pagpaliwanagin hinggil sa mataas na water bill.
Layon ng Sangguniang Bayan na magkaroon ng interaksyon sa pagitan nila ng Libacao Water District upang mabigyan-tugon ang mga ipinapaabot ng reklamo ng kanilang mga konsumidor.
Subalit hindi aniya sumipot si GM Zubiaga at sa halip ay ipinadala nito bilang kinatawan ng LWD si Mr. Armando Orbista ng accounting department at Mr. Ricky Lagalangan para sa meter reading.
Ang naging paliwanag naman ni Mr. Armando Orbista sa ‘intermittent’ na suplay ng tubig ay una, dahil ang kanilang generator set ay hindi nag-ooperate 24/7 kung kaya’t kapag nagbrow-out ay nawawalan ng supply ng tubig ang mga konsumidor ng Libacao Water District at pangalawa, ang extension pump aniya nila ay tinamaan ng kidlat.
Samantala, ang dahilan naman kung bakit nagkaroon ng mataas na bayarin ang mga konsumidor ay dahil nagkaroon aniya ng mga unrecorded noong buwan ng Marso na hindi nag-reflect sa kanilang mga billing.
Matatandaang inulan ng batikos ang naturang local water district matapos biglang magtaasan ang bayarin sa tubig ng ilang konsumidor sa bayan ng Libacao.
Kaugnay nito, muling inimbitahan ng Sangguniang Bayan si GM Zubiaga at kanyang mga Board of Directors upang masolusyunan na ang naturang problema.