National News
6k buwanang sustento at posibleng pagkakakulong sa balasubas na magulang, isinulong sa kamara
Itinulak ng isang mambabatas ang panukala sa Kamara de Representates na magpaparusa sa balasubas na magulang na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang anak.
Nakasaad sa inihain ni Northern Samar Representative Paul Daza na House Bill No. 44 o Child Support Enforcement Act, maaaring makulong ang “balasubas” na magulang sa dalawa hanggang apat na taon, at may multang P100,000 hanggang P300,000.
Dapat rin aniyang magbigay ito ng P6,000 kada buwan o P200 isang araw sa bawat bata.
“Laban po ito sa mga balasubas na parents at high time po na gawan natin ng paraan tumulong sila, magbigay po sila. Ang bottom-line po dito is monthly financial support,” giit ni Daza.
“Balasubas parents—time to shape up and face your responsibilities. It’s about time that we enact a law that will protect our children from balasubas parents. Imagine, these children did not choose to be born; why will they be the ones to suffer more when their parents decide to separate?” pagdidiin pa ng mambabatas.
Sinabi din ni Daza na ang isang probisyon sa kanyang panukala ay nagpapahintulot sa gobyerno na tulungan ang mga non-custodial parents na makahanap ng trabaho upang mapadali ang pagbibigay ng suporta sa bata.
Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), mayroong 14 milyong solo parents sa Pilipinas at 94% rito o 13.3 milyon ay babae.
(With reports from Remate/GMA News)