Aklan News
“GUSTO LANG NILA AKONG IPAHIYA DAHIL SA INGGIT AT POLITIKA” – Cong. Haresco
BINIGYAN-DIIN ni Aklan 2nd District Representative Congressman Teodorico Haresco na gusto lamang siyang ipahiya ni Vice-Governor Reynaldo Quimpo at mga miyembro ng SP Aklan dahil sa inggit at politika kung hindi man lang nagbigay ng kortesiya ang mga ito sa kanya.
Ito ay kaugnay sa naging hakbang ng SP Aklan na pagdedeklarang ‘Persona Non Grata’ sa apat na kongresista ng Bicol na proponent ng BIDA Bill 2.
Aniya pa, hindi sila obligadong magcoordinate sa SP Aklan.
Saad pa nito ang pinaka-isyu dito ay ang kortesiya dahil hindi man lang siya sinabihan tungkol dito.
“Unang-una ang tunay na isyu d’yan, kortesiya. Nandiyan yan sa Code of Ethical Conduct, nandyan yan sa Admin Code, nandyan yan sa Local Government Code at saka nand’yan yan sa Criminal Code. Ang ibig sabihin lahat ng opisyal, sinasabi ng batas, may ethical standard. At saka ‘yan ethical standard na yan dapat may kortesiya ka kasi public official ka,” pahayag ng kongresista.
Ipinaliwanag ni Haresco na ang pagwi-withdraw ng isang House Bill ay kailangang dumaan sa proseso.
Nakakatawa aniya dahil alas 10 ng umaga noong Agosto 8 ay dinala niya sa Rules Committee ang naturang panukala upang mapirmahan ng apat na kongresista ngunit alas 2 naman ng hapon ay nagpasa ang SP Aklan ng resolusyon Persona Non Grata laban sa mga ito.
Giit ni Haresco, hindi man lang tumawag sa kanya ang SP Aklan bago sila gumawa ng hakbang.
Para sa kongresista, nais lamang palabasin ni Vice-Gov. Quimpo at mga miyembro ng SP na wala siyang ginagawa sa kongreso.
Sa katunayan ayon sa kongresista ay ipinaglalaban niya ang Aklan lalo na ang isla ng Boracay.