Aklan News
Lalaki patay sa pamamaril at pananaga ng kanyang pinsan sa loob mismo ng kanyang bahay
Patay ang isang lalaki makaraang barilin at tagain ng kanyang pinsan sa loob mismo ng kanyang bahay sa Sitio Itik, Brgy. Cabugao, Altavas.
Kinilala ang biktimang si Dolphy Raquin, 40 anyos, residente ng Cortez, Balete at ang suspek na si Ged Ryan Tuberiadez, 36 taong gulang na residente rin ng nasabing lugar.
Sinugod umano ng suspek ang biktima sa kanyang bahay at kinompronta tungkol sa pang-iinsulto nito sa kanya.
Nauwi ito sa bangayan hanggang sa kinuha ng biktima ang kanyang homemade 12 gauge shotgun, pero naagaw ito ng suspek at binaril siya ng dalawang beses.
Hindi pa nakuntento ang suspek at tinaga pa sa leeg ang biktima na agad nalagutan ng hininga.
Pahayag ni PLt. Donnie Magbanua, hepe ng Altavas PNP, inamin ng suspek ang ginawang krimen matapos sumuko kagabi dala ang ginamit na itak sa pananaga sa biktima.
Nagawa umano ng suspek ang krimen dahil matagal na siyang iniinsulto o ina-underestimate ng biktima.
Kasong murder ang kahaharapin ng suspek.