Aklan News
Withdrawal of Support at Oath of Allegiance ng mga dating miyembro ng PAMALAKAYA at ANAK-PAWIS, isinagawa
May tapang at lakas ng loob na ipinakita ng mga dating miyembro ng makaliwang grupo na PAMALAKAYA at ANAK-PAWIS ang kanilang determinasyon sa pagbabalik loob sa gobyerno sa isinagawang Oath of Allegiance at Withdrawal of Support na isinagawa kahapon alas 9 ng umaga sa Brgy. Cawayan, New Washington, Aklan.
Pinangunahan ito ni 2Lt. Ryan Bastan, ACO, 33CMO Company, 3CMOBn, 3ID, PA at ng kanyang mga tropa. Sila rin ang nag-organisa para maging isang bagong asosasyon ito na pinangalanang Cawayan Vendors Bayanihan Association o CaVBA.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad si LTC Luisita Clavecillas, CO, 3rd CMO Bn, 3ID, PA. Sa mensahe ni LTC. Clavecillas, ipinasiguro nito ang kanilang buong suporta sa mga opisyales at myembro ng CaVBA pati na rin ang kanilang siguridad. Masaya rin umano siya sa naging desisyon ng mga ito na magbalik loob sa gobyerno at hinikayat ang iba pa na gustong magpa-clear ng kanilang pangalan na makipag-ugnayan lamang sa baranggay o sa mismong mga sundalo ang 33rd CMO.
Samantala, malugod namang nagbigay ng P10, 000 na cash assistance si New Washington Mayor Jessica Panambo sa nasabing asosasyon bilang panimula. Ipinasiguro din nito ang patuloy na pagsuporta sa CaVBA para makapagsimulang muli. Tutulong rin umano ang kanyang tanggapan na hikayatin pa ang ibang myembro para makapagbagong-buhay. Pinasalamatan din nito ang ginawang hakbang ng PA sa kanilang lugar dahil ayon sa kanya hindi siya makapaniwala na may mga presensya ng makaliwang grupo sa kanilang bayan.
Kasama rin sa nasabing aktibidad ang symbolic burning of flags ng CPP-NPA-NDF at signing o pagpirma sa wall of commitment.
Presente rin sa nasabing aktibidad ang myembro ng New Washington PNP, DOLE, Cawayan Brgy. Council sa pangunguna ni Brgy. Capt. Rex Regalado.