Connect with us

Aklan News

Hindi mapapakinabangan ng mga Aklanon ang hydropower sa Madalag

Published

on

timbaban hydropower plant
Photo Courtesy: Anacleto Daguman

Inamin ng Oriental Energy and Power Generation Corp at ng Aklan Electric Cooperative na hindi magsu-supply ng kuryente ang Timbaban Hydroelectric Power Plant sa Aklan.

Ayon kay Engr. Gab Ignacio, plant manager ng nasabing power plant sa Madalag, sa grid nila directang ipapasa ang 18MW capacity na ipo-produce na kuryente ng planta.

Wala silang kontrata sa AKELCO o sinumang power distribution utility sa Visayas.

Una nang sinabi ng AKELCO na wala na silang kailangang kuryente para sa bagong supplier dahil nakakontrata na sa coal at geothermal power suppliers ang kailangan nila para sa base at mid merit loads.

Ang peaking load requirement naman ay binibili nila sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.

Sa ngayon ay tumaas ang power rates ng AKELCO dahil nagsitaasan din ang presyo ng coal na ginagamit ng kanilang power suppliers.

Napag-alaman na mas mura at reliable ang kuryente na manggagaling sa Timbaban Hydropower plant kung ikukumpara sa coal dahil renewable energy ito at nakabase lang sa Aklan.

Ayon kay Engr. Ignacio, target nilang mag-operate bago matapos ang taon dahil natapos na nila ang point-to-point transmission line mula sa planta papuntang Balete kung saan may pinakamalapit na linya ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.