Agriculture
Digital Farmers Program para sa nais maging digital trainers sa WV, isinagawa ng ATI Region VI
Aabot sa 40 Agricultural Extension Workers (na siya ring tumatayong Farmers’ Information and Technology Service Center Staff sa kanilang mga munisipalidad) at Learning Site Cooperators ang nagtapos bilang digital trainers matapos lumahok sa Digital Farmers Program (DFP) na isinagawa ng Agricultural Training Institute Region VI kamakailan.
Ginanap ang unang batch (DFP 101) ng nasabing three-day training sa Bee Bee Lodge, Old Buswang, Kalibo, Aklan noong September 14-16, 2022, habang ang ikalawang batch (DFP 102) naman ay ginanap sa ATI Training Hall, ASU Compound, Banga, Aklan noong September 21-23, 2022.
Sinanay ang mga kalahok na gumamit ng iba’t ibang mga Information and Communication Technology (ICT) tools na makatutulong sa mga magsasaka na i-market ang kanilang mga prooduktong pang-agrikultura at pamahalaan ang kanilang online business.
Kabilang naman sa mga hands-on activities ng mga trainees ay ang pagpu-post ng mga produkto sa Facebook Marketplace, pag-enroll at pag-aaral gamit ang DFP 101 e-Learning course, paggawa ng online product content gamit ang Canva application, paggawa ng social media marketing content plans, pagsasagawa ng microteaching ng mga paksang tinalakay, at pagsusumite ng DFP 101 at 102 rollouts sa pamamagitan ng action planning.
Bawat kalahok ay pinagsumite rin ng video ng kanilang microteaching session na ni-record sa kanilang municipality/learning site, pitong araw matapos ang training
Ayon kay Jhon Michael B. Asong, kinatawan ng Agdahon Agriventures Farm sa Capiz, layon ng naturang programa na bigyang-kaalaman ang mga magsasaka upang matulungan silang pagyamanin ang kanilang ani at maipakilala sa kanila ang mga bagong teknolohiya sa pagsasaka.
“The purpose of this training is to impart the knowledge to the farmers and to give them attention so that we can help them, not only in crop production but also to share the new technologies. To tell you the truth, they discouraged the usage of such especially those who are old age. We need to change their perspective,” giit ni Asong.
Binigyan din ng pagkilala ang mga trainees na nagpakita ng kahusayan sa mga sumusunod na kategorya: Canva Poster Making, Social Media Marketing Planning, Fastest e-Learner, at Demo Back Presentation.
Inaasahang matagumpay na maipapatupad ng mga bagong-sanay na digital trainers ang DFP sa farmer level sa kani-kanilang mga lugar. Dagdag pa rito, inaasahan ding mahihikayat sila na tumayong mga ICT guides para sa mga magsasaka at mapaigting ang kanilang service delivery gamit ang mga ICT tools.
Ang DFP ay naging possible dahil sa pakikipagtulungan ng Smart Communications.