Aklan News
Mister na naglalakad binaril, ari tinamaan
Tinamaan sa kanyang ari ang isang mister makaraang barilin habang papauwi sa kanilang bahay alas-10 ng gabi nitong Linggo sa Catabana, Madalag.
Kinilala ang biktima na si Gil Islao, 55 anyos ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Radyo Todo sa biktima pauwi na sila galing sa koprahan sa Daja Norte, Banga kasama ang kanyang dalawang anak ng makarinig sila ng dalawang putok ng baril pagdaan sa bahay ng itinuturong suspek na si Jun-Jun Retiro.
Hindi inakala ng biktima na sinundan siya ni Retiro at binaril na tumama sa kanyang puwet at dumeritso sa kanyang ari.
Humingi naman ng saklolo ang biktima sa ilang residente sa lugar para agad madala sa hospital.
Ayon pa kay Islao na agad naman naaresto ang suspek ng Madalag PNP.
Hindi pa ngayon matukoy ng biktima kung ano ang motibo ng suspek dahil wala naman umano silang pinag-awayan.
Nagpapagaling na sa ngayon sa Aklan Provincial Hospital si Islao habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Madalag Municipal Police Station.