Aklan News
Palpak na SALINTUBIG project sa Batan, idinulog ng mga residente sa SP at COA Aklan
Umapela ng tulong mula sa Aklan Sangguniang Panlalawigan ang mga residente ng Barangay Songcolan, Batan upang maaksyunan na ang kanilang problema sa tubig.
Batay sa kanilang sulat na ipinadala sa SP AKlan, ilang taon na silang naghihirap dahil walang suplay ng tubig sa kanilang barangay.
Anila, may tatlong taon na ang nakalilipas ay may mga tubo nang inilatag sa kanilang barangay bilang bahagi ng patubig na proyekto ni dating Mayor Rodell Ramos.
Kaagad umano silang nag-apply para sa water connection kung saan ang iba sa kanila ay nakapagbayad na sa kanilang munisipyo.
Buong akala ng mga taga-Barangay Songcolan ay matatapos na ang kanilang problema sa tubig ngunit dalawang buwan lamang anila ang itinagal nito at naputol na ang suplay ng tubig at hindi na nakabalik hanggang sa ngayon.
Dahil dito, nagtitiis na lamang ang mga residente na magbayad ng tig-P25 kada container ng tubig upang may magamit sila sa kanilang pang araw-araw samantala iba pa ang kanilang ibinabayad para sa inuming tubig.
Umaasa ang mga resident eng Songcolan na sa pamamagitan ng kanilang sulat na ipinadala sa SP AKlan ay masasagot ang kanilang mga tanong gaya ng bakit naputol ang suplay ng tubig sa kanilang lugar at kung sino ang nag-utos na ipaputol.
Samantala, batay sa impormasyong nakalap ng Radyo Todo, ang nasabing proyekto ay pinondohan ng DILG sa ilalim ng programang SALINTUBIG.