Aklan News
Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival 2023, opisyal nang nagbukas
Opisyal nang binuksan sa publiko ang selebrasyon ng Kalibo Sto.Niño Ati-atihan Festival 2023 nitong Oktubre 8.
Pinangunahan ito ni Bagong Kalibo Mayor Juris Sucro sa pamamagitan ng pagtaas sa imahe ni Sto. Niño de Kalibo kasabay ng pagsigaw ng tradisyunal na “Viva kay Senior Santo Nino! Viva!”
Personal na kinuha ni Vice Mayor Cynthia Dela Cruz ang imahe ni Sto. Niño de Kalibo mula sa St. John the Baptist Cathedral patungo sa Kalibo Pastrana Park.
Ito na ang hudyat ng matunog at masayang selebrasyon ng Ati-atihan Festival matapos ang mahigit dalawang taon na pananalasa ng pandemya dulot ng COVID-19.
Halos ‘di na mahulugang-karayom ang loob at labas ng Kalibo Pastrana Park sa dami ng taong nais masaksihan ang muling pag-umpisa ng pinakamasayang selebrasyon ng Ati-atihan Festival.
Kasabay ng opening salvo ng ati-atihan festival ay ginanap din ang State of the Municipality Address (SOMA) ni Mayor Sucro kung saan inilahad nito ang kanyang mga naumpisahang programa at proyekto sa loob ng 100 days nitong pag-upo bilang alkalde ng Kalibo.
Kabilang sa mga inilahad ni Sucro sa kanyang First 100 Days Report ay ang digitalization ng mga dokumento gayundin ang mga sisterhood agreements sa iba’t ibang siyudad sa bansa para sa planong cityhood ng Kalibo.