Aklan News
NHA nais pagpaliwanagin ni Board Member Neron kaugnay sa mga nakatiwangwang na housing projects sa Aklan
Nais pagpaliwanagin ni Board Member Nemesio Neron ang National Housing Authority (NHA) kaugnay sa mga hindi pa tapos at nakatiwangwang na housing projects sa lalawigan ng Aklan.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Neron, inihayag nito na mismong siya ay nakita at na-obserbahan na maraming mga housing projects sa Aklan ang mistulang pinabayaan na.
Aniya pa, ikinalulungkot niya na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito napapakinabangan ng mga Aklanon.
Nasayang lamang aniya ang pera ng mga mamamayan para sa nasabing proyekto ng pamahalaan.
“Ginakasubo naton, bukon man it tanan pero abo ta ro aton nga na-obserbahan nga mga housing project nga nakatiwangwang. Kumbaga kanugon ro kwarta ku atong pumueoyo. That is people’s money,” ani Neron.
Kaugnay nito, nais niyang ipatawag sa Sangguniang Panlalawigan ang NHA upang maipaliwanag kung ano na ang status at problema sa housing project ng pamahalaan.
Paglilinaw ni Neron, hindi naman lahat ay nakatiwangwang lang ngunit may iilang mga pabahay projects sa mga bayan sa Aklan ang hanggang ngayon ay hindi pa napapakinabangan.
Ang housing projects ng NHA sa Aklan ay para sana sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda noong 2013, may siyam na taon na ang nakalilipas.