Aklan News
Bangkay ng lalaki natagpuang palutang-lutang sa isang sapa sa Libacao, Aklan
Palutang-lutang at wala nang buhay ng matagpuan ang isang lalaki sa sapa na sakop ng Sitio Kalipawa, Barangay Ogsip, Libacao, Aklan.
Kinilala ni PSSgt. John Bert Zaulda, imbestigador ng Libacao PNP ang biktima na si Enrilie Zorca, 39 anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Radyo Todo, huling nakita ng kanyang pinsan ang biktimang si Zorca hapon noong Nobyembre a-19.
Ayon pa kay PSSgt. Zaulda posibleng nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang biktima kung kaya’t maaaring nawalan ito ng balanse habang tumatawid at nahulog sa nasabing sapa.
Batay naman sa resulta ng post-mortem examination sa biktima, walang foul play na nangyari.
“Owa it foul play na nakita sa eawas na kaina. So purely drowning imaw,” saad pa ng imbestigador.
Napag-alaman na sa nasabing sapa dumadaan ang mga residente patungo sa kanilang lugar.