Aklan News
Pinaniniwalaang gamit ng mga gunmen na bumaril-patay kay ace gumban sa lapnag, banga narekober
Nasa kustodiya na ngayon ng Banga Municipal Police Station ang dalawang damit at dalawang helmet na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng riding-in-tandem na bumaril-patay kay Ace Gumban sa Lapnag, Banga noong Nobyembre a-24.
Ayon sa Banga PNP ang narekober na mga helmet at damit ay positibong kinilala ng isang saksi na pagmamay-ari ng mga suspek.
Ang mga ito ay nakita ng isang residente sa barangay road na sakop ng Sitio Pulahan, Barangay Arcanghel Sur sa bayan ng Balete.
Matatandaang dalawang hindi pa nakikilalang gunmen sakay ng motorsiklo ang bumaril-patay kay Gumban kung saan nagtamo ito ng maraming tama ng baril sa kanyang katawan na naging kadahilanan ng kanyang pagkamatay.
Kaugnay nito, nananawagan ang Banga PNP sa sinuman na makapagtuturo o may impormasyon tungkol sa mga may-ari ng naturang gamit na kaagad ipagbigay-alam sa mga kapulisan.