Connect with us

Aklan News

Mga establisyementong di tatanggap ng PhilID at ePhilID, pwedeng makasuhan at pagmultahin ng P500,000

Published

on

Pwedeng makasuhan at pagbayarin ng P500,000 multa ang mga ahensya ng gobyerno, pribadong kumpanya at bangko na di tatanggap ng PhilID at ePhilID bilang sapat at valid na identification.

Ayon kay Rene Fernando, Focal Person ng Philsys Aklan, pareho lang ang bisa ng PhilID na naka PVC at ng advanced copy nitong ePhilID na naka-imprenta sa bond paper.

Paliwanag niya, mababa pa ang distribusyon ng physical ID kaya habang hinihintay ito ay naglabas na muna sila ng ePhilID na temporaryong magagamit ng publiko.

Saad niya, ang PhilID at ePhilID ay isang opisyal na government-issued ID na maaaring gamitin sa mga transaksyong mangangailangan ng proof of identity o proper identification, pareho rin itong valid ID at walang expiration.

“Since manubo pa ro distribusyon it physical ID nagtinguha ro national Office nga ipatigayon ro ephil ID, para habang nagahueat it physical card tag ruyong PVC card hay may anda eagi nga advanced copy or ro ginatawag natung ephil ID so bisan temporary ID imaw ra, ro anang effect kara is the same man sa physical ID dahil valid imaw ra, uwat expiration ag ginabaton it tanan nga bangko ag opisina it gobyerno,” lahad niya sa panayam ng Radyo Todo.

Batay pa kay Fernando, ang sinumang establisyemento na di tatanggap ng PhilID at ePhilID ay maaaring isumbong sa PSA Aklan o maaaring makasuhan sa ilalim ng Section 19 ng Republic Act 11055 o PhilSys Act.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pamamahagi ng PSA ng PhilID at ePhilID sa buong bansa.

Sa Aklan, nasa 119, 710 ePhilID at 20,000 PhilIDs na ang mga naipamahagi mula sa kabuuang bilang ng registrants na 483, 689.