Connect with us

Aklan News

Kapatid ng biktimang tinadtad ng saksak sa brgy. Cortes, Balete naniniwalang mahuhuli rin ang mga may kagagawan ng krimen

Published

on

NANINIWALA si Mildred Bernabe, nakakatandang kapatid ni Antonio Bernabe Jr., ang lalaking tinadtad ng saksak ng kanyang kainuman sa Sitio Pueos, barangay Cortes, Balete na hindi magtatagal ay mahuhuli at mapapanagot rin ang mga suspek sa kanilang ginawang krimen.

Ayon kay Mildred, nabigla sila sa nangyari dahil bago ang insidente ay kainuman pa ng kanyang kapatid ang itinuturong mga suspek.

Aniya pa, walang kahit anong diskusyon o iringan ang nangyari kung kaya’t hindi niya lubos maisip na mangyayari na lamang ito sa kanyang kapatid.

Dagdag pa nito, nakita niya na lamang ang kanyang kapatid na nakatihaya, maraming sugat, duguan at pinagtutulungan ng tatlong suspek.

Malaki rin ang paniniwala ni Mildred na hindi lang isa ang sumaksak sa kanyang kapatid.

Konompronta niya pa umano ang tatlo ng kanyang maabutan ngunit mariin nila itong itinanggi.

Giit pa ni Mildred na hindi siya naniniwala sa sinasabi ng tatlo dahil wala namang ibang tao doon maliban sa kanila at may dungis umano ng dugo ang kamay ng mga ito.

Kaugnay nito, naniniwala ang kapatid ng biktima na mahuhuli rin ang mga salarin na sumaksak patay kay Antonio.

Matatandaang dinala pa sa ospital si Antonio subalit hindi na ito umabot pa ng buhay.