Aklan News
Ginang, inireklamo ang kapitbahay na nambato raw ng plastic na may dumi ng tao
HINDI BATO kundi plastic na may dumi ng tao ang inihagis sa bahay ng isang ginang na nagrereklamo sa Brgy. Briones, Kalibo.
Salaysay ni Maricel Daffon sa Radyo Todo, lagi umano siyang nakakapulot ng mga basura gaya ng bote, diaper, napkin, tsinelas at iba pa mula sa mga kapitbahay.
Ito umano ang dahilan kaya ang dati nilang bakod na cyclone wire ay pinapalitan niya ng mataas na pader.
Pero nitong Sabado, hindi na nakapagpigil si Daffon nang makita sa labas ng kanyang bahay ang isang plastic na may lamang dumi ng tao.
Ipinaabot niya raw ito sa tiyahin ng kanyang pinaghihinalaang mga kapitbahay para mapagsabihan ang mga ito pero nang kinagabihan ay bumagsak sa kanilang bubungan ang tatlong bote ng alak.
Nanawagan rin si Daffon kay Kapitan Rafael Briones na abala umano sa pagtitinda ng isda at hindi gumagawa ng aksyon kaugnay sa kanilang problema.