Aklan News
Lalaking namaril ng bus sa Ibajay at nakipag-engkwentro sa mga otoridad, naaresto na ng mga kapulisan
Mahaharap sa patong-patong na kaso si Cristobal Obrique, ang lalaking namaril ng pampasaherong bus at nakipag-engkwentro sa mga kapulisan nitong Pebrero 14.
Sa panayam ng Radyo Todo sa imbestigador ng Nabas PNP na si PSSgt. Lou dela Cruz, sinabi niya na matagaumpay na nahuli ang suspek kahapon sa manhunt operation ng pinagsanib na pwersa ng Ibajay PNP, Nabas PNP at Police Mobile Force Company.
Salaysay ni dela Cruz, may natanggap silang impormasyon na naispatan ang suspek sa Sitio Mandaguit sa Brgy. Libertad, Nabas.
Pinuntahan nila ito at nadatnang nagtatago sa isang malaking bato.
Hindi na umano nanlaban ang suspek pero nagtangka pa itong tumakas ngunit nakorner siya ng tropa ng mga kapulisan.
Itinapon niya umano ang bitbit na kalibre 45 at nakuha sa kanyang posisyon ang dalawang magazine at 31 bala.
Sa ngayon, kasalukuyang nakakostudiya sa Nabas PNP si Obrique.
Kasong RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions at Direct Assault upon Person of Authority ang isasampa ng Nabas PNP sa suspek at kasong Illegal Discharge of Firearms naman ang isasampa ng Ibajay PNP.
Nabatid na mayroon pang pending na kasong frustrated homicide si Obrique matapos mamaril ng isang umaandar na tricycle nito lamang Enero 2023.
Sinabi rin ni dela Cruz na kinumpirma ng pamilya ng suspek na siya ay may diperensya sa pag-iisip o mentally challenged individual.