Aklan News
Pulis na nag-amok sa isang bar sa Boracay, arestado
INARESTO ng Malay PNP ang isang police officer matapos ireklamo ng may-ari ng isang bar sa isla ng Boracay.
Ayon kay PLt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay PNP, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mag-asawa na may-ari ng isang bar sa Boracay dahil sa umano’y isang pulis na nag-aamok.
Dumating aniya ang nasabing pulis sa naturang bar na lango na sa alak at basta na lamang naupo na brusko ang dating.
Napansin ng may-ari ng bar na may nakasukbit na nabaril sa beywang nito kung kaya’t lumayo ito sa kanya.
Umorder umano ito ng alak ngunit hindi na pinagbigyan ng management na naturang bar dahil lasing na ito.
Dahil dito ay nagmura at nag-amok ito dahilan upang tumawag na sila sa Malay PNP at pina-aresto ito sa mga rumespondeng kapulisan.
Kaagad naman itong inaresto ng kanyang mga kabaro at ikinustodiya sa Malay PNP.
Ayon pa kay PLt.Col. De Dios, ang mga ganitong klase ng pulis na balasubas ay hindi na dapat pinapatagal sa serbisyo.
Aniya pa, hindi nila kinukunsinti ang ganitong klaseng pag-uugali sa Malay Police Station.
Napag-alaman na tatlong taon pa lamang ito sa serbisyo.
Samantala, kasong administratibo ang posibleng kakaharapin ng nasabing police officer./SM-RT