Connect with us

Aklan News

2 babae na lumaban sa holdaper sa Boracay, nasaksak; suspek, nahuli

Published

on

NASAKSAK ang dalawang babae matapos manlaban sa isang holdaper sa isla ng Boracay.

Kinilala ang mga biktima na sina Beverly Mae Leones, 21, residente ng Libertad, Nabas at Juwilyn Sinag, 23, residente naman ng Toledo, Nabas.

Nakilala naman ang suspek na si Jerry Alarcon, 25-anyos at tubong Barangay Rizal, Odiongan Romblon.

Ayon sa Malay PNP, nangyari ang insidente kagabi sa Sitio Lugutan, Barangay Manocmanoc, Boracay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang dalawang biktima ngunit pagdating sa may madilim na iskinita sa nasabing lugar, may naramdaman silang taong nakasunod sa kanila.

Bigla na lamang umanong tinutukan ng suspek ang biktimang si Sinag ng patalim at nagdeklara ng hold-up.

Hiningi nito ang cellphone ni Sinag kaya’t ibinigay naman agad ito ng biktima ngunit bigla na lamang siyang sinaksak ng suspek na tumama sa kanyang tagiliran.

Hindi pa nakuntento ang suspek at inundayan pa nito ng saksak si Sinag dahilan na kinaladkad ng biktima ang suspek sa may maliwanag na bahagi ng lugar at sinubukang labanan ito.

Dito na rin umano tumulong ang kasama ni Sinag na si Leones kung saan hinila nito ang damit ng suspek hanggang sila ay natumba kung kaya’t nagtamo din ito ng galos sa kanyang paa matapos madaplisan ng patalim ng suspek.

Kaagad namang tumakas ang suspek ngunit nahuli rin sa isinagawang hot pursuit operation ng Malay PNP.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Malay PNP ang suspek na si Alarcon at mahaharap sa kasong Robbey Hold-up with Attempted Homicide.