Connect with us

National News

Panganib sa Online Lending Apps

Published

on

Panganib ng Online Lending Apps

MANILA – Pinayuhan ni Senator Sherwin Gatchalian ang publiko na mag-ingat sa mga online lending applications. Ayon sa kanya, ang mga ito ay nagdudulot ng higit na pinsala kaysa tulong sa mga nangangailangan ng pinansyal na suporta.

Sa isang panayam sa radyo ng DZBB, inihayag ni Gatchalian na may natatanggap siyang reklamo mula sa mga borrowers na nakakaranas ng pananakot at sobrang taas na interes mula sa mga loan sharks, na umaabot mula 10 hanggang 40 porsyento.

Dagdag pa niya, ang ilang lending firms ay nakakapasok at nagha-hack ng personal na data ng mga nangungutang at kanilang mga contacts.

“May report na kung hindi nakakabayad, pinagbabantaan, minsan daw pinapadalhan pa ng korona, at nagagawan din nila ng paraan na malaman ‘yung mga activities ng nangutang. Nakakaalarma at nakakatakot ito,” ani Gatchalian.

Bilin ni Gatchalian, maging mapagmatyag ang publiko bago sumangguni sa ideya ng pagkuha ng mga pautang sa pamamagitan ng online apps. Kapag madaling magpautang ang isang lending agency, ito ay dapat ikabahala.

“Kaya ang first step dapat kung merong nagpapa-utang na napakadali, ibig sabihin niyan hindi tama ‘yan at huwag nang pumasok,” payo niya.

Inaanyayahan niya ang publiko na suriin ang legitimacy ng mga lenders sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bago kumuha ng pautang sa pamamagitan ng isang online app. May kumpletong listahan ang BSP ng lehitimong lending firms.

Hindi lamang BSP ang maaaring lapitan, maaari rin humingi ng tulong ang publiko sa Securities and Exchange Commission, Department of Information and Communications Technology, at National Privacy Commission para sa mga isyung may kaugnayan sa lending firms.

Inihayag din ni Gatchalian na magpapatawag siya ng imbestigasyon sa Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies upang talakayin ang mga lumalaking isyu laban sa mga lending apps at mga kumpanya.