Connect with us

Aklan News

Lalaking biktima ng hit and run, patuloy na nakikipaglaban para mabuhay

Published

on

Nakikipaglaban ngayon sa kanyang buhay ang isang lalaki sa isang pribadong ospital matapos mabiktima ng hit and run noong Sabado ng gabi sa Kalibo, Aklan.

Kinilala ang biktima na si Ariel Arboleda, 58-anyos at residente ng barangay Pook sa bayan ng Kalibo.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Radyo Todo, patawid sana ng kalsada ang biktima ng mangyari ang aksidente.

Ngunit bigla na lamang itong kinaladkad ng humaharurot na motorsiklo na papunta sa direksyon ng bayan ng New Washington.

Dahil dito ay nagtamo ng malalang sugat sa ulo at nabali ang isang paa ni Arboleda.

Kaagad naman itong dinala sa ospital kung saan patuloy na nakikipaglaban para sa kanyang buhay.

Samantala, nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Kalibo PNP sa nangyaring aksidente upang matukoy kung sino ang driver ng nasabing motorsiklo na naka-hit and run sa biktima.

Nauna rito, hinabol pa umano ng mga residente ang naturang driver ng motor ngunit hindi na nila ito naabutan at ibinato pa ng suspek ang kanyang helmet sa mga humahabol sa kanya.

Sa kabilang banda, nananawagan naman si Sangguniang Bayan member Raymar Rebaldo, isa sa mga rumesponde sa nasabing aksidente na kung maaari ay sumuko na ang naturang suspek na naghit-and-run kay Arboleda dahil hindi pa rin ito makakatakas sa kamay ng mga awtoridad.