Aklan News
Pulis natalisod, baril pumutok; isa sa mga suspek ng illegal sabong, tinamaan
Aksidenteng nabaril ng isang police officer ang isa sa mga suspek ng iligal na tupada matapos itong matalisod habang nagsasagawa ng operasyon sa isla ng Boracay nitong Sabado.
Ayon kay PLt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay PNP, nakatanggap ang kanilang himpilan ng report hinggil sa nangyayaring iligal na aktibidad.
Kaagad naman rumesponde ang mga kapulisan ng Malay PNP kung saan nagtakbuhan umano ang mga tao sa naturang sabungan matapos makita ang mga kapulisan.
Aniya, noong nagkahabulan ay natalisod ang isa mga pulis na rumesponde sa operasyon at nakalabit nito ang gatilyo ng kanyang service firearms dahilan na pumutok ito.
Last Saturday afternoon, nag-conduct sila ng operation sa isang tupadahan, yung iligal sabong. So, noong magkahulihan, nagkatakbuhan yung mga tao at nagkahabulan.Base doon sa report na aking natanggap, yung isa kong pulis ay parang natalisod at nakalabit yung gatilyo,” pahayag ni PLt. Col. De Dios.
Saad pa ng hepe, hindi nila kaagad nalaman na may nasugatan sa nasabing operasyon dahil kaagad namang isinugod sa ospital ang suspek na tinamaan ng bala at kasalukuyang nagpapagaling.
Sinampahan na rin ng kasong reckless imprudence resulting to physical injury ang hindi na pinangalanang police officer.
Samantala, hindi na nagbigay ng dagdag na detalye ang hepe dahil nagpapatuloy na ang isinasagawang imbestigasyon ng Provincial Internal Affairs Service (PIAS) ng Aklan PPO hinggil dito.
Kaugnay nito, ipinasiguro ni De Dios, bilang hepe ng Malay PNP ay hindi niya kinukunsinti ang kanyang mga kapulisan.
Binigyan-diin pa nito na ang lahat aniya ng balang lalabas sa kanilang mga baril ay kanilang pananagutan.