Connect with us

National News

Patuloy na Pagtaas ng ‘Hacking’ sa Facebook, PNP-ACG muling Nagbabala sa Publiko

Published

on

Patuloy na Pagtaas ng ‘Hacking’ sa Facebook, PNP-ACG muling Nagbabala sa Publiko

MANILA, Philippines – Sa gitna ng tumitinding problema sa seguridad sa internet, muling nagbabala ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko hinggil sa patuloy na pagtaas ng mga insidente ng ‘hacking’ sa Facebook. Ayon sa huling ulat, umabot na sa 743 ang bilang ng mga kaso ng Facebook hacking incidents sa unang anim na buwan pa lang ng 2023, mula sa 503 kasong naitala noong 2021 at 1,402 noong 2022.

Nitong mga nakaraang buwan, nabiktima rin ng hacking ang official Facebook page ng Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD-NCR), at Department of Science and Technology’s Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD).

Ayon sa PNP-ACG, ang pangunahing motibo ng mga hacker ay manipulahin ang pagkakakilanlan ng account user upang makapanloko o makapang-scam. Kabilang sa mga payo ng ACG sa mga FB account users ay ang paglagay ng Two-Factor Authentication, pag-iwas sa pagkonekta sa mga pampublikong wifi, at ang pag-log-out sa kanilang mga Facebook account sa mga device o gadget kung hindi ginagamit.

Hinihikayat ng PNP-ACG ang mga biktima ng hacking na agad itong iulat sa FB support team o isumbong sa kanilang lokal na pulisya. Kasama rin sa kanilang paalala na mag-ingat sa mga hindi kilalang online posts at i-report agad ang mga ito sa Facebook o sa kanilang organisasyon.