Aklan News
Boracay FireStation, nagbabala sa mga establisyemento laban sa mga nagpapakilalang fire inspector para makapanloko
NAGBABALA ang Boracay Fire Station sa mga establisyemento sa Boracay kaugnay sa isang babaeng nagpapakilalang fire inspector para makapanloko.
Ayon kay FO1 Teody Mark Emilia ng Boracay Fire Station, may natanggap silang report kahapon mula sa isang laundry shop sa Boracay na may nagpunta umanong babaeng nagpakilalang inspector ng BFP sa kanilang establisyemento.
Iginiit raw nito na expire na ang kanilang fire extinguisher at kailangan na itong palitan.
Siningil sila nito ng P1500 pero hindi sila nagbigay ng pera dahil sa pagduda.
Umalis naman umano ang babae matapos silang tumanggi na magbigay ng halaga.
Batay sa ulat, tagalog ang lengwahe ng babae na nasa 30-35 ang edad, 5’4 ang taas at maputi, may kasamahan rin daw ito pero hindi nahagilap ng CCTV.
Kinumpirma rin ni FO1 Emilia na may mga nabiktima na sa bagong modus na ito na nagreport sa Malay PNP.
Tinatarget umano ng mga ito ang mga maliliit na negosyante at establisyemento sa isla ng Boracay./ MAS