Aklan News
Residente ng barangay Cogon, Lezo inirereklamo ang umano’y hindi patas na distribusyon ng ayuda
HUMIHINGI ngayon ng paliwanag ang ilang residente ng barangay Cogon. Lezo dahil sa umano’y hindi patas na pagpili ng mga benepisaryo na maaaring makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Batay sa dalawang pahinang sulat ng mga residente, nais nilang ipaabot ang kanilang hinaing sa opisina ni Cong. Ted Haresco upang mabigyan-linaw kung bakit hindi sila nakasama sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang barangay.
Anila, pawang ang mga kakampi lang sa politika ang nabibigyan ng tulong samantalang silang naghihikahos sa buhay ay nai-itsapwera.
Isa sa mga inirereklamo nila ay ang pamamahagi ng ayuda kamakailan para sa mga PWDs at Senior Citizen.
Ayon kay Gng. Lilia De Justo, isa sa mga nagrereklamo, hindi umano sila nakatanggap ng ipinamigay na food packs gayong ang mga kasamahan niya sa bahay ay kwalipikado dahil may PWD at senior citizen siyang miyembro ng pamilya.
Dagdag pa ni De Justo, napansin nila na ang mga nakatanggap ng ayuda ay yaong may mga kaya sa buhay samantalang silang kapos ay hindi napabilang.
Dahil dito ay nananawagan sila kay Cong. Haresco ng sagot kung ang nasabing ayuda ay nagmula ba tagala sa ospisina ng kongresista at kung sino ba talaga ang dapat na maging mga benepisaryo.