Aklan News
Rider at angkas na babae, sugatan matapos aksidenteng mabangga ng traysikel


Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang rider ng motorsiklo at angkas nito matapos na aksidenteng mabangga ng pumapasadang traysikel sa bahagi ng J. Cardinal Sin Avenue, Kalibo.
Kinilala ang drayber ng motor na si David Ryan Salvador, 21, residente ng Bakhaw Sur Kalibo at angkas nitong si Jessy Joy Ruiz, 21-anyos ng Old Buswang Kalibo.
Habang nakilala naman ang driver ng traysikel na si Gewon Mationg Postorioso, residente ng New Buswang, Kalibo.
Batay sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, papunta sana ng Pook, Kalibo ang motorsiklo ngunit pagdating sa may harap ng Kalibo Water District ay aksidente itong nabangga ng naturang traysikel.
Kaagad namang isinugod sa ospital ang rider at angkas nito dahil sa mga sugat na tinamo.
Samantala, nagkasundo naman ang magkabilang panig matapos mangako si Postorioso na tutulong sa pagpapagamot kay Salvador at Ruiz.