Facts & Trivia
Cooltura: Ang Pagmamano
Natatandaan mo pa ba kung kailan ka huling nagmano sa mga nakakatanda sa iyo? Ang pagmamano ay isa sa mga kaugaling Pilipino na nagpapakita ng pag-galang sa mga nakakatanda sa atin. Bakit mahalaga na buhaying muli ang kaugaliang ito?
Ang pagmamano ay galing sa salitang Espanyol na “mano” na ang ibig sabihin ay kamay. Kasabay ng pagbigkas ng “mano po”, kinukuha ng nagmamano ang kanang kamay ng nakakatanda at idinidiit ito sa noo.
Ang kaugaliang ito ay nagpapakita ng paggalang sa mga nakakatanda. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng paghingi ng kamay sa mas nakakatanda at pagdikit ng kamay nito sa noo habang nakayuko.
Nagsimula ang pagmamano noong panahon ng mga Prayleng Katoliko na sumakop sa Pilipinas nang ipaggiitan nila ang kanilang mga kamay sa mga unang Pilipino upang halikan ito tanda ng paggalang sa kapangyarihang mayroon ang mga pari.
Ano man ang pinanggalingan nito, ang pagmamano ay bahagi na ng kulturang Pilipino. Kung hindi na tayo mag mano, parang itinatakwil na rin nating ang ating kultura at lahi. Mawawala na ang ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Sa sunod na pagkakataon huwag natin kalimutan magmano sa ating mga magulang at mga nakakatanda. Hindi lamang ito pag-galang, ito rin ay magpapatibay ng ating pagiging Pilipino.
Article: HAMSFIL9L