National News
PBBM, tiniyak ang patuloy na pagtulong sa mga magsasaka na apektado ng El Niño
Patuloy na nagbibigay ng tulong at suporta ang administrasyong Marcos sa mga magsasaka na apektado ng El Niño phenomenon sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at iba pang rehiyon sa bansa.
Aabot na sa halos 4,000 magsasaka ang apektado ng dry spell sa 2 rehiyon ayon kay Presidential Communications Assistant Secretary Joey Villarama, spokesman ng Task Force El Niño.
“Mas qualitative po, binibigyan sila ng seeds na heat tolerant, binibigyan din ng domestic animals, may social protection, may financial aid although as I said I don’t know how much pero tuluy-tuloy po iyan,” pahayag ni Villarama sa isang news forum.
“Tapos bukod sa direct interventions for them, inaayos din po iyong mga irrigation canals pati iyong equipment themselves para matulungan po iyong mga greatly-affected farmers,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Villarama, nasa 41 lalawigan na apektado ng El Niño ang nakatanggap na ng interbensyon mula sa gobyerno.
Kabilang sa mga problema ay ang pinsala sa agrikultura at pahirapang pagkuha ng tubig.
“So, lahat po ng 41 provinces na naitala as of this time na apektado tinutulungan naman po ng Inter-Agency Task Force,” saad pa ng opisyal.
Aniya pa, karamihan sa mga lalawigang nakararanas ng tagtuyot ay nasa Luzon at nakatanggap na ng mga tulong mula sa National Irrigation Administration at Department of Agriculture.