Aklan News
Port administrator sinabing hindi sila nagpapabaya sa Caticlan jetty Port
INIHAYAG ni Port Administrator Essel Flores na hindi sila nagpapabaya sa Caticlan Jetty Port.
Kasunod ito ng reklamo ng isang turista sa social media dahil sa umano’y hindi magandang serbisyo ng port gaya ng pagkakaroon ng sirang baggage scanner, mainit na waiting area at walang pagbabago sa proseso ng pagbabayad para sa mga papasok sa isla ng Boracay.
Ayon kay Flores, hindi sila napipikon sa ganitong mga komento dahil ginagawa naman umano nila ang lahat para sa improvement ng jetty port upang mabigyan ng magandang serbisyo ang mga turista.
Binigyan-diin ng opisyal na malaki ang kinikita ng jetty port ngunit marami din aniya ang naghahati-hati nito sa buong probinsiya.
Nilinaw naman nito na may mga bagong aircon ang jetty port upang hindi mainitan ang mga pasahero at biyahero.
Ngunit aminado siyang sira ang kanilang baggage scanner pero may mga kapulisan at iba pang law enforcement officers aniyang naka-deploy sa jetty port para sa seguridad ng mga pasahero.
Paliwanag ni Flores, madaling masira ang kanilang mga baggage scanner dahil sa masyado itong expose sa dagat.
Kaugnay nito, ipinasiguro ng opisyal na mas pagbubutihan pa nila ang serbisyo sa port para sa mas marami pang turistang bibisita sa isla ng Boracay.