Health
PAG-INOM NG CORTAL BILANG CONTRACEPTIVE AT PAMPALAGLAG, TOTOO NGA BA?
Dahil pa rin sa kakulangan ng sapat at wastong kaalaman tungkol sa pakikipagtalik at pagbubuntis, marami pa rin ang may maling kaisipan tungkol sa proseso ng pagkakabuo ng bata sa sinapupunan.
Dagdag pa rito ang napapadalas na kaso ng unplanned pregnancy na minsan ay humahantong sa pagpapalaglag ng bata o aborsyon. Ito ay pinakamadalas sa mga kabataang mapupusok ngunit hindi pa talaga handang pangatawanan ang responsibilidad ng pagiging magulang. Madalas din ito sa mga biktima ng pangmomolestiya at rape, gayun din ang mga kababaihang nagtatrabaho bilang prostitute.
Kaakibat ng isyung ito ay ang mga luma at walang basehan na paniniwala ukol sa pag-iwas sa pagbubuntis (contraception) at pagpapalaglag ng bata sa sinapupunan. Halimbawa na lang ay ang paggamit ng gamot na Cortal bilang isang contraceptive o kaya’y pampalaglag ng bata.
Ayon sa popular na paniniwala, ang gamot na Cortal daw ay iniinom ng pagkatapos makipagtalik upang hindi daw mabuntis. Minsan pa, iniinom ito ng maramihan o kaya ay ipinapasok mismo ang gamot sa puwerta ng babae. Bukod pa rito, ginagamit din daw ito bilang pampalaglag at sinasabayan pa ng pag-inom ng coke. Totoo nga ba ang mga paniniwalang ito? Ating alamin.
ANO ANG CORTAL?
Ang Cortal ay isang brand name ng apirin, isang gamot na mabisa para sa mga pananakit na nararanasan sa katawan na dulot ng pamamaga. Ito ay madalas inirereseta para sa mga pananakit ng mga kalamnan, at pananakit ng dibdib dahil sa karamdaman sa puso. Pinapanipis ng gamot na ito ang dugo at pinipigilan ang pamumuo ng dugo (blood clotting).
EPEKTIBO BA ANG CORTAL BILANG CONTRACEPTIVE?
Dahil ang gamot na Cortal ay mura at madaling nabibili sa mga butika, ginagamit ito ng ilan bilang contraceptive. Iniinom ito pagkatapos ng pagtatalik o kaya naman ay pinapasok sa mismong puwerta ng babae. Ngunit ito ay walang basehan at hindi maaasahan. Ang paggamit nito ay hindi pinapayo ng mga doktor sapagkat ang maling paggamit ng Cortal ay maaaring magdulot ng ilang epekto sa katawan.
ANO ANG EPEKTO NG CORTAL SA NAGBUBUNTIS?
Ang pag-inom ng aspirin sa mga nagbubuntis ay isang delikadong hakbang para sa bata sa sinapupunan. Ito ay maaaring magdulot ng pagdurugo sa batang ipinagbubuntis na kapag nagpatuloy ay maaaring mauwi sa pagkalaglag ng bata. Ito ang dahilan kung bakit madalas itong ginagamit ng ilan bilang pampalaglag. Ngunit dahil ang gamot na ito ay hindi talaga pampalaglag ng bata, wala ring garantiya na agad na malalaglag ang bata sa pag-inom lamang ng Cortal.
MAY SIDE EFFECTS BA ANG PAG-INOM NG CORTAL?
Sa pagnanais na malaglag ang bata o mapigilan ang pagbubuntis, ang ilang babae ay umiinom ng sobrang gamot na Cortal. Tandaan na ang pag-inom ng sobrang gamot ay maaaring humantong sa pagka-overdose na tiyak namang may hindi mabuting epekto sa katawan. Ang sobrang pag-inom ng gamot na Cortal ay maaaring magdulot ng ilang side effects na gaya ng pagkahilo, pangangasim ng tiyan, pananakit ng ulo, pagiging antukin, pagkalito, pagkokombulsyon, matinding pagsusuka, pagliliyo, pagdurugo sa dumi, sa suka, o sa ubo, at hindi nawawalang lagnat na humihigit ng 3 araw.
Article: Kalusugan