Connect with us

Aklan News

WALANG FOREVER: Ang hiwalayan ng “soulmates” na Haresco at Miraflores

Published

on

Kapansin-pansing wala at hindi na nagsasama sa mga kaganapang pampulitika ang tinaguriang “soulmates” sa pulitika at ang magpinsang buo na sina Former Governor Joeben Miraflores at incumbent 2nd District Congressman Ted Haresco.

Nagsimula ang lamat sa pagitan ng mga ito noong 2022 matapos ang kontrobersyal na hakbang ng Aklan Sangguniang Panlalawigan at ni Vice Governor Boy Quimpo na ideklarang persona non grata ang apat na miyembro ng Kongreso mula sa Camarines Sur nang hindi kumukunsulta kay Congressman Haresco na noon ay nakikipag-usap na rin sa kanyang mga kasamahan na bawiin ang BIDA bill.

Dahil dito, nadismaya at dumistansya si Haresco sa Tibyog na pinamumunuan ni Miraflores at hindi na rin siya tinuring ng Tibyog na kaalyado sa pulitika.

Nagsagawa na si Miraflores ng loyalty check sa mga miyembro ng Tibyog at nag-finalize ng lineup ng mga kandidato sa mga provincial at municipal candidates.

Habang si Haresco naman ay nagsimula nang bumuo ng kanyang grupo na binubuo ng mga miyembro ng Tibyog na hindi kasama sa listahan ng official candidates sa 2025 at ilang pulitiko na di miyembro ng Tibyog pero tinulungan niya noong 2022 election.

Nakipag-usap na rin siya sa mga kilalang oposisyon sa Aklan tulad nina Jun Legaspi at William Lachica at personal na sinuportahan ang ilang mga kandidato sa Brgy at SK elections.

Bagama’t hindi na humahawak ng pampublikong tungkulin, nananatili pa ring aktibo si Miraflores sa mga usaping pulitikal. Nakahanay pa siya sa Lakas-CMD na pinangungunahan ni Speaker Romualdez at aktibong nakikilahok sa mga consolidation meeting ng Tibyog.

Samantala, patuloy naman si Haresco sa pamamahagi ng tulong. Inimbitahan pa nito si Tingog Party-list Representative Yedda Marie Romualdez sa Aklan at nagtatag ng satellite office sa Tangalan para kontrahin ang Uswag Ilonggo Partylist na kaalyado ng Tibyog.

Hindi pa inaamin ng magpinsan sa publiko ang kanilang alitan pero gaya ng sabi ng iba “action speaks louder than words”.

Bago paman mangyari ang break-up ng “soulmates”, nakaprograma na na pagkatapos ng huling termino ni Haresco, ang kanyang anak na si Jose naman ang sasalo at magpapatuloy sa pagiging kongresista ng 2nd district at ang mga Miraflores pa rin ang mamamahala sa kapitolyo. Pasa-pasa na lang sa mag-aama

Pero dahil sa hiwalayan ng dalawa, biglang nagbago ang ihip ng hangin at nagkaroon ng maraming pagbabago.

Sinasabing maglalaban si Ibajay Mayor Miguel Miraflores at Jose Haresco bilang congressman ng 2nd district sa 2028.

Habang si Ted Haresco ay maaaring tumakbo bilang Gobernador kapag natapos ang kanyang termino sa 2028 na hahamon sa 3rd term ni Joen Miraflores.

Pero ang pinakainaabangan sa ngayon ay ang inaasahang posibleng sagupaan ni Ted Haresco at Joeben Miraflores bilang congressman ng Western side ng Aklan sa 2025 election.