National News
Higit sa 100 foreign nationals, huli sa raid sa online gambling hub sa isang resort
Arestado ang higit 100 foreign nationals sa isinagawang raid ng Bureau of Immigration (BI) sa isang resort sa Brgy. Agus in Lapu-lapu City sa Cebu ngayong Sabado, Agosto 31.
Dinakip sa raid ang daan-daang foreign nationals na ilegal umanong nagsusugal sa ginawang online gaming hub sa resort.
Ikinasa ang operasyon sa bisa ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Norman Tansingco laban sa 13 illegal aliens na napag-alaman umanong nag-o-overstaying at nagtatrabaho sa resort nang walang working permit.
Sasailalim sa inquest proceedings ang mga inaresto at pansamantalang idedetine bago ipa-deport.
Naniniwala si Tansingco na dapat papanagutan sa batas ang mga resort owners dahil sa pagkukubli ng mga illegal aliens sa kanilang lugar.
“We will suggest to the authorities to file cases against resort owners to allow their properties to be used by illegal aliens in their covert operations,” ani Tansingco.
“This will serve as a warning to those who might attempt to start illegal online gambling operations, which has already been banned by the President,” dagdag pa niya.
Ayon kay BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr., isinagawa ang operasyon kasama ang mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), at and Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Kasama rin sa operasyon ang mga personnel mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga posibleng biktima ng human trafficking.