National News
Babala ng PHIVOLCS: Pagtaas ng Aktibidad sa Bulkang Kanlaon
Patuloy ang pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island, at nananatili sa Alert Level 2 ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ang antas na ito ay babala ng dumaraming aktibidad na posibleng magdulot ng mas malalakas na pagsabog. Sinabi ng PHIVOLCS na mula kahapon Setyembre 10, 2024, pinakamataas ang sulfur dioxide emission sa talaan na umabot sa 9,985 tonelada kada araw. Ito ang pinakamataas na antas mula nang magsimula ang instrumental gas monitoring, at nagdudulot ito ng pangamba sa posibleng pagsabog.
Upang matiyak ang kaligtasan, daan-daang pamilya mula sa Canlaon City, Negros Oriental ang lumikas na bilang paghahanda laban sa banta ng sumasabog na bulkan. Mula Setyembre 9, 2024, nakapagtala rin ng 288 volcanic-tectonic earthquakes na nauugnay sa pag-alburuto ng bulkan. Bukod dito, iniulat ng mga residente malapit sa bulkan ang amoy ng asupre.
Muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na iwasan ang apat-na-kilometrong Permanent Danger Zone. Ito ay upang hindi maapektuhan ng pyroclastic density currents, ballistic projectiles, rockfall, at iba pang panganib na dulot ng bulkan. Ayon sa PHIVOLCS, “Hinihiling namin sa publiko na makinig at sumunod sa mga payo para sa kanilang kaligtasan.”
Patuloy ang masusing pagmamatyag ng mga awtoridad sa aktibidad ng bulkan habang pinaaalalahanan ang lahat na manatiling alerto at makinig sa opisyal na anunsyo mula sa PHIVOLCS.
Ang kasalukuyang sitwasyon ay napaka-dynamic at patuloy ang pagmamatyag dito ng lokal at pambansang pamahalaan upang agapan ang anumang panganib na maaring idulot nito para sa kaligtasan ng maraming mamamayan sa rehiyon.