Aklan News
Danyos ng nasunog na kwarto sa Caano, Kalibo nasa mahigit P140K
Nasunog ang mga dokumento, damit, aparador at higaan sa loob ng isang kwarto sa Caano, Kalibo pasado alas-7:30 ng gabi nitong Linggo.
Sa panayam ng Radyo Todo sa may-ari ng bahay na si Jinky Magno, napansin umano ng kaniyang anak na may umuusok na mula sa nasabing kwarto.
Nang buksan nila ito, dito na tumambad ang umaapoy na higaan at iba pang kagamitan sa loob.
Agad namang tumawag ng tulong ang may-ari at nagtulungan ang mga residente na apulahin ang apoy sa pamamagitan ng bucket relay.
Nagtamo ng paso ang asawa ni Jinky habang sugat sa noo naman ang tinamo ng nanay nito matapos madulas habang papalabas ng bahay.
Dagdag pa ni Magno, posible umanong nagsimula ang apoy sa nakasaksak na extension cord.
Ayon kay FO1. Emmanuel Orale, Fire Arson Investigator ng BFP Kalibo, tinatayang nasa P140,000 ang danyos na iniwan ng sunog.
Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP Kalibo sa nangyaring insidente.