Aklan News
Senior citizen, sinaksak ng sariling kuya patay
Dead on arrival sa ospital ang isang 65-anyos na lalaki matapos itong saksakin ng kaniyang nakakatandang kapatid sa kasagsagan ng pista sa Brgy. Calangcang, Makato.
Sa panayam ng Radyo Todo sa bunsong kapatid ng mga sangkot, pista sa kanilang barangay kaya’t nag-inuman ang dalawa sa labas ng bahay ng naturang suspek.
Pahayag naman ng pamangkin nito na si alyas “Laylay”, kumakain siya sa loob ng bahay ng suspek nang pumasok ito na may bitbit na kutsilyo saka sinabing sasasaksakin nito ang kaniyang kapatid.
Pagtingin ng pamangkin sa kutsilyong hawak ng suspek ay puno na ito ng dugo at maging siya ay tinangka ring saksakin ngunit mabuti at nahawakan agad nito ang kamay ng suspek tsaka inagaw ang kutsilyo.
Pinuntahan nila ang biktima at doon bumungad sa kanila ang nakahandusay na katawan habang naliligo sa sariling dugo.
Apat na patal na tama sa tiyan, dibdib at kili-kili ang tinamo ng biktima bunsod ng pananaksak na nagdahilan ng kaniyang pagkamatay.
Kinumpirma naman ng Makato PNP na hawak na nila ang suspek at sa inisyal na impormasyon ay dahil sa kalasingan at diskusyon nagsimula ang insidente.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulisya sa nangyaring krimen.