Aklan News
Lalaki, tiklo sa buy-bust operation sa Buruanga
TIMBOG sa isinagawang drug buy bust operation ng mga operatiba ang isang lalaki sa bayan ng Buruanga nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Philip Prado, 45-anyos at residente ng Barangay Katipunan sa nasabing bayan.
Nabilhan ang suspek ng isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng P3,000 na buy-bust money.
Samantala, wala namang iba pang item na nakuha mula sa kanya ng magsagawa ng body search ang mga otoridad.
Mariin namang itinanggi ng suspek na kanya ang mga nabiling droga.
Aniya, noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo nang huli itong gumamit ng iligal na droga.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Todo kay PCapt. Larry John Vidal, OIC-COP ng Buruanga PNP, inihayag nitong matagal na umanong minamanmanan nila ang suspek kung saan mga menor de edad umano ang ginagamit ng suspek na maghatid ng droga sa kaniyang mga parokyano.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Buruanga PNP si Prado at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.