Aklan News
Special ordinance para sa mga nasunugang vendors ng Kalibo Public Market, inihain ng Aklan SP
Naglabas ng Special Ordinance nitong Oktubre 14 ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan. Ang nasabing ordinansa ay nagbibigay ng pahintulot sa mga vendors ng Kalibo Public Market na naapektuhan ng sunog, na pansamantalang maglagay ng puwesto sa kahabaan ng Toting Reyes St.
Matatandaang noong Septyembre 15 lamang, nasunog ang Kalibo Public Market at may 276 na mga puwesto ang natupok. Tinatayang umabot sa 35 million ang kabuuang pinsalang hatid ng nasabing trahedya. Dahil dito, kasalukuyang nasa State of Calamity ang probinsya ng Aklan.
Pahayag ni Aklan Governor Joeben Miraflores, ang nasabing Special Ordinance ay para lamang sa mga nasunugan ng puwesto. Maari rin lamang nilang okupahin ang kalahati ng Toting Reyes St, mula sa kanto ng Roxas Ave. Extension, hanggang sa kanto ng F. Quimpo St. Extension. Ang kahabaan ng nasabing kalsada ay nasa 220 na metro.
Dagdag pa ng gobernador, ang natitirang kalahati ng daan ay ilalaan para sa mga motorista at pedestrian, lalo na sa papalapit na kapaskuhan. Kailangan ding panatilihing bukas ang mga kantong maaabot ng mga pansamantalang puwesto upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Ang mga vendors ay papayagang maglagay ng mga pansamantalang puwesto o stalls sa loob ng 3 buwan. Ito rin ang ultimatum na ibinigay ng provincial government sa municipal government para sa relokasyon ng mga nasunugang negosyante.
Kasama sa ordinansa ang pagtatalaga sa lokal na pamahalaan ng Kalibo na bantayan ang sitwasyon ng trapiko, at siguruhin ang kaligtasan, kalusugan, pati na rin ang sanitasyon sa kahabaan ng kalyeng ookupahin ng mga vendors.
Nakatakda ring magbigay ng dagdag na pondo si Governor Miraflores bilang suporta sa mga apektadong negosyante kasunod ng pagsang-ayon ng Sangguniang Panlalawigan.