Aklan News
P24k at mga sigarilyo, umano’y ninakaw sa isang food stall sa ceres terminal, Kalibo


NAWALAN ng tinatayang Php 24,000 at iba pang personal na gamit ang isang tindera ng food stall sa bahagi ng Ceres Terminal sa Brgy. Estancia, Kalibo, nitong madaling-araw ng Lunes, Hunyo 23.
Bandang alas-8:00 ng umaga nang personal na magtungo sa Kalibo PNP ang 43-anyos na tindera, residente ng Purok 5, C. Laserna Street, Brgy. Poblacion, upang i-report ang insidente.
Sa salaysay ng biktima, bandang alas-3:00 ng madaling-araw siya nagising at natuklasang nawawala na ang kanyang itim na shoulder bag.
Ang nasabing bag ay naglalaman ng dalawang pitaka, mga ID, apat na kaha ng sigarilyo, at pera na aabot sa Php 24,000.
Hinala ng tindera, pinasok ang kanilang tindahan habang siya ay natutulog kaya’t hindi niya ito napansin.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ang insidente ng mga personnel ng Kalibo Municipal Police Station. l Ulat ni Arvin Rompe