Aklan News
Kalibo, Aklan, kabilang sa pilot testing ng unified PWD ID system simula Hulyo


Kabilang ang bayan ng Kalibo sa mga lugar na sasailalim sa pilot testing ng digital unified PWD ID system simula Hulyo, ayon sa National Council on Disability Affairs (NCDA).
Ayon kay NCDA Executive Director Glenda Relova, bahagi ito ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong masawata ang paggamit ng pekeng PWD ID at mapahusay ang sistema ng pagbibigay serbisyo sa mga may kapansanan.
Digital ang proseso ng pagpaparehistro para sa bagong sistema, kung saan maaaring ma-access at ma-download ang ID gamit ang cellphone o computer.
Maaari rin itong ipa-assist sa lokal na Persons with Disability Affairs Office (PDAO).
Kabilang din sa pilot areas ang mga lungsod ng Muntinlupa at Pasay sa Metro Manila; ilang bayan at lungsod sa Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Camarines Norte, Bohol, Maguindanao del Norte, Bukidnon, at South Cotabato.
Layon ng programang ito na tiyaking tanging kwalipikadong indibidwal lamang ang mabibigyan ng benepisyo, at mapalawak pa ang digital access para sa sektor ng mga PWD sa bansa.