Uncategorized
Motoristang umiwas sa checkpoint, nasagasaan ang traffic enforcer; kulong sa Kalibo MPS


HULI NG KAPULISAN ang isang motorista matapos nitong masagasaan ang isang traffic enforcer habang iniiwasan ang checkpoint sa Diversion Road, Brgy. Tigayon, dakong alas-7:20 ng umaga ngayong Hunyo 25.
Ang biktima ay kinilala kay Michael Albao, 39-anyos, myembro ng Kalibo Auxilliary Police habang ang motorista ay si Ian Neil Nuñez, 21-anyos, residente ng Brgy. Cupang, Banga, Aklan.
Ayon sa imbestigasyon, papalapit sa checkpoint si Nuñez sakay ng kanyang motosiklo mula sa New Washington ngunit bigla itong umiwas at lumiko patungong Kalibo.
Tinangka siyang pahintuin ng kapulisan ngunit hindi ito tumigil at sa halip ay binilisan pa ang takbo dahilan para mabundol ang biktima.
Agad hinuli ang suspek na napag-alamang walang dalang lisensiya.
Nagtamo naman ng sugat sa kamay, pananakit ng tuhod at hita si Albao.
Sa ngayon ay kasalukuyang nakakulong ang rider para sa karampatang disposisyon. l Ulat ni Jisrel Nervar