Connect with us

Aklan News

Sangguniang Bayan ng Malay binawi ang suporta sa Caticlan-Boracay bridge

Published

on

Sangguniang bayan ng Malay binawi ang suporta sa Caticlan-Boracay bridge

PORMAL nang binawi ng Sangguniang Bayan ng Malay ang suporta nito sa kontrobersyal na Caticlan-Boracay Bridge Project matapos pagtibayin ang Resolution No. 106, Series of 2025 sa kanilang regular na sesyon nitong Hunyo 19.

Sa naturang resolusyon, inalis ng konseho ang proyekto mula sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) at Annual Investment Plan (AIP) ng lokal na pamahalaan ng Malay. Ibig sabihin, hindi na ito kinikilalang bahagi ng opisyal na mga plano ng bayan.

Ayon sa Sangguniang Bayan, ang desisyon ay bunga ng kawalan ng sapat na public consultation, pangambang makasira sa kalikasan ng Boracay, at posibleng pag-displace ng mga komunidad. Iginiit din ng konseho na nilalabag ng proyekto ang prinsipyo ng participatory governance na nakasaad sa Local Government Code.

Ilan sa mahahalagang nilalaman ng resolusyon ay ang mga sumusunod:

  1. Pag-revoke ng proposed Caticlan-Boracay Bridge mula sa CLUP, AIP, at iba pang development plans.
  2. Pag-utos sa Municipal Development Council na muling pag-aralan ang proyekto at magmungkahi ng mga alternatibong solusyon na mas ligtas sa kalikasan at suportado ng komunidad.
  3. Pagsasagawa ng masusing pag-aaral at konsultasyon na isasali ang mga lokal na stakeholders, kabilang ang environmental groups at mga residente.
  4. Pag-utos sa mga lokal na opisina tulad ng Municipal Planning and Development Office (MPDO) at Municipal Engineering Office (MEO) na rebisahin ang CLUP at AIP.
  5. Pagpapadala ng kopya ng resolusyon sa mga ahensya gaya ng DPWH, DENR, NEDA, at iba pang may kaugnayan sa proyekto.

Ang resolusyon ay unanimously adopted o walang tumutol.