Aklan News
10 ISTRAKTURA SA BORACAY NA NAKATAKDANG IDIMOLISH, NAKAKUHA NG TRO
Nagpalabas ng isang Temporary Restraining Order (TRO) ang Aklan RTC para hadlangan ang demolisyon ng 10 residential at commercial buildings na pumasok sa itinakdang beach easement.
Sa dalawang pahinang order na inilabas ni Acting Presiding Judge Ronald Exmundo ng Aklan RTC, Branch 7, noong Oct. 15, inutusan nito ang LGU Malay sa pangunguna ni Acting Mayor Frolibar Bautista na ihinto ang implementasyon ng Mar. 25, 2019 at iba pang demolition orders laban sa 10 istraktura sa paligid ng Bolabog beach.
Magtatagal ng 20 araw ang bisa ng TRO na magsisimula kung kelan ito inilabas maliban lamang kung may writ of preliminary injunction na ipalabas ang korte.
Kabilang sa mga ito ang Aira Hotel, Ventoso Reaidences, Freestyle Academy and Kite Surfing School, Kite Center Banana Bay, Wind Riders Inn, Pahuwayan Suites, Boracay Gems, Unit 101 ng 7 Stones, Unit 107 ng 7 Stones, at Lumbung Residences.
Inilabas ang order matapos makapagbigay ng P300,000 na bond ang mga plaintiffs may kaugnayan sa civil complaints.
Kaugnay nito, nagpalabas din ng executive order si Acting Mayor Bautista noong Oct. 16, na bumabawi sa mga demolition orders at inutusan ang mga empleyado nito na sundin ang desisyon ng korte.
Ayon naman kay Natividad Bernardino, General Manager ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG), na namamahala sa patuloy na rehabilitasyon sa isla, na susundin nila ang utos ng korte subalit hanapan umano nila ng paraan na ma-lift ito.
Dagdag pa niya na ang nasabing mga istraktura na nakakuha ng TRO ay kabilang sa 28 commercial at residential buildings na “non-compliant” sa pinapatupad nilang beach easement. Sa katunayan ayon pa sa kanya na kusang nag demolished ang ibang may-ari ng building doon.
Maaalala na isinara ang Boracay sa mga turista sa loob ng anim (6) na buwan mula Apr. 26 – Oct. 25, 2018, para isailalim sa rehabilitasyon.