Connect with us

Aklan News

LALAKING NANGIKIL SA BARANGAY KAPITAN, ARESTADO SA ENTRAPMENT OPERATION

Published

on

Malbert Dalida

EXCLUSIVE

LALAKING NANGIKIL SA BARANGAY KAPITAN, ARESTADO SA ENTRAPMENT OPERATION

Arestado sa isinagawang entrapment operation ang isang lalaking nangikil umano sa barangay kapitan ng Cabangila, Altavas kaninang alas 11:25 ng umaga sa isla ng Boracay.

Nakilala ang suspek na si Melbert Matutina, 23 anyos ng Brgy. Cabangila, Altavas at dati rin palang tauhan ng biktimang si Barangay Captain Alecia De Blas.

Kasamang inaresto ang sinasabing kasabwat niyo na si Jovelyn Magbanua, 25 anyos ng Manoc-manoc, Boracay.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Andy Cordero ng Altavas PNP, nakatanggap umano ng pagbabanta si Brgy. Capt. De Blas mula sa suspek nitong nakaraang Nobyembre 14.

Maliban dito, hinihingian din umano siya ng suspek ng P20, 000.00 upang itigil na nito ang pagbabanta sa kanyang buhay.

Binalewala umano ito noong una ni De Blas, sa paniniwalang scam lamang ang kanyang natatanggap na text.

Subalit nagpatuloy umano ng mga ilang araw ang pagtitext sa kanya ng suspek, dahilan upang magsumbong na siya sa police provincial command na kaagad namang inaksyunan.

Samantala, nagdemand na umano ang suspek sa biktima na bayaran siya ng hinihinging halaga rason na nakipagkasundo ang biktima at ang Altavas PNP sa suspek na magpadala muna ng P5,000.00 noong Nov. 21, 2019.

Subalit nabatid na hindi pala si Matutina ang kumukuha ng pera kundi si Magbanua na siyang inuutusan nito.

Lingid naman sa kaalaman ng mga suspek, nakipag-ugnayan ang Altavas PNP sa higher office ng nasabing money remittance kung kaya’t natukoy ang lugar ng receiver o tumanggap ng pera.

Ayon pa kay Cordero, ginigipit kahapon pa ni Matutina ang biktima na ipadala na sa kanya ang kabuuang bayad kung kaya’t ikinasa na ang entrapment operation.

Nabatid na si Magbanua pa rin ang nagclaim ng pera na kaagad namang ikinanta ang suspek na si Matutina nang arestuhin siya ng mga pulis.

Nang makapanayam ng Radyo Todo, umiiyak na inamin ni Matutina na siya ang nasa likod ng pagbabanta sa kapitan pati na ang paghingi niya rito ng pera, kasabay ng pagpapaabot ng paghingi ng pasensya sa kanyang nagawa.

Samantala, tumanggi nang magbigay ng pahayag si Magbanua at iginiit na inutusan lamang siya ni Matutina.

Ang nasabing mga suspek ay dating nagtatrabaho sa isang property ng biktima.

Pansamantala silang ikinustodiya sa Altavas PNP Station para sa karampatang disposisyon.