Aklan News
TRAYSIKEL, NABANGGA NG KOTSE; LOLANG PASAHERO, INATAKE NG ALTAPRESYON


Aksidenteng nabangga ng kotse ang isang traysikel bandang alas 7:30 kagabi sa Osmeña Ave., Estancia, Kalibo.
Nakilala sa police report ng Kalibo PNP ang driver ng kotse na si Hazell Repolito Villanueva, 34 anyos ng Linabuan Sur, Banga, habang hindi na naabutan pa ng mga pulis ang driver ng nabangga nitong traysikel.
Kaagad umano kasi nitong dinala sa ospital ang kanyang pasaherong si Ofelia Tolosa Dela Cruz, 65 anyos ng Tigayon, Kalibo na inatake ng alta presyon sanhi ng insidente.
Base sa imbistigasyon ng pulis, galing sa Poblacion, Kalibo papuntang Banga ang kotse nang aksidente umano nitong mabangga ang nasabing traysikel.
Swerte namang hindi nasugatan ang nasabing lola, kasama ang kanyang 29 anyos na apo na si Christine Tolosa Dela Cruz.
Kaugnay nito, pansamantalang ikinostodiya ng mga pulis ang nasabing kotse para sa karampatang disposisyon.