National News
3 PNP Central Visayas officials, sinibak sa pwesto dahil sa paglalaro ng golf ng weekdays
Tinanggal sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang tatlong police officials sa PNP Central Visayas, matapos sumuway sa umiiral na pagbabawal sa paglalaro ng golf tuwing weekdays.
Sa press conference sa Camp Crame ngayong umaga, kinilala ni Gamboa ang mga opisyal na sina PRO 7 Chief Comptroller PCol. Dennis Artil, PRO7 Finance Service Chief PLt Col. Richard Bad-Ang; at PRO7 PDEG chief PLt Col. Glenn Mayam.
Ayon kay Gamboa, ang tatlong opisyal ay ililipat sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) habang iniimbestigahan sa kasong “grave misconduct,” at hindi na matutuloy ang promosyon ng dalawang Lt. Colonel sa Full Colonel dahil dito.
Binalaan din ni Gamboa ang Regional Director ng PRO7, na “strike-one” na ang pagkakahuli sa kanyang mga tauhan na lumalabag sa mga patakaran ng PNP.
Ayon kay Gamboa, bistado ang regular na paglalaro ng golf ng mga naturang opisyal tuwing Martes at Huwebes at kung minsan ay pati Miyerkules.
Nilinaw ni Gamboa, na pwede namang maglaro ng golf ang mga police official pag weekends at holidays pero hindi sa oras ng trabaho. – radyopilipinas.ph