International News
Kalidad ng Sikorsky helicopter ni Kobe
Nagimbal ang basketball community matapos ang napaulat na pagpanaw ni Kobe Bryant, kasama pa ang anak nito at pitong iba pa sa pagbagsak ng kanyang private helicopter sa Calabasas, California.
Mas lalo pang nakapagtataka ay dahil ang gamit nitong helicopter, ang Sikorsky S-76B, ay kilala sa pagiging ligtas nito dahil sa mataas na safety record.
Sa GQ profile ni Kobe noong 2010, kinuwento kung papaanong nahumaling ang NBA legend sa paggamit ng helicopter para hindi ma-stuck sa traffic mula sa kanyang tahanan sa Orange County patungo sa iba’t ibang lugar pati kahit may laro ang LA Lakers.
Isa nga sa napaulat na kanyang ginagamit ay ang Sikorsky S-76, isa sa pinakaligtas na helicopter buhat noong unang flight nito noong 1977.
Ang kanyang specific na helicopter ay ang N72EX, na noon pang 1991 binuo. Saad sa record ay pagmamay-ari ito ng Island Express Holding Corp. ngunit hindi pa batid kung nirerentahan o binili ito ni Kobe.
Ang S-76 ay orihinal na dinisenyo para sa corporate transportation partikular sa oil industry, ngunit mas nakilala ito sa larangan ng medical transportation.
Ang partikular na helicopter ni Bryant na S-76B ay may twin turboshaft engine na may four-bladed main rotor at four-bladed tail rotor.
Higit itong mas malaki sa ibang commercial helicopter, at kakaiba rin dahil madalas ay dalawang piloto ang kailangan para ito’y mapatakbo, ngunit sa kaso ng flight ni Kobe ay isa lang ang piloto.
Bukod kay Kobe, isa pa sa sikat na personalidad na sumakay na sa modelong ito ay si Queen Elizabeth II.
Ang brand new na Sikorsky S76-B ay nagkakahalaga ngayon ng $7.5-million habang ang second hand ay pwedeng mabili mula $600,000 hanggang $7.5-million.
Hindi pa batid ang dahilan ng pagbagsak ng helicopter at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Federal Aviation Administration at National Transportation Safety Board hinggil dito.
Article: ABANTE