Aklan News
BANGKAY NG BABAE, NATAGPUAN SA ILOG
Batan-Bangkay na nang matagpuan ang isang babae mag-a-alas 10:00 kaninang umaga sa ilog na sakop ng Bay-ang at Lalab, Batan.
Kinilala ni PSSGT Jessie Lauz ng Batan PNP ang bangkay na si Orella Cuatriz Legaspi, 54 anyos ng Sitio Tugbungan, Poblacion, Altavas.
Base sa imbestigasyon ng pulis, pauwi sakay ng bangka mula sa pag-igib ng tubig sa Bay-ang si Jessryl Verzo nang makita umano nito doon ang bangkay.
Kaagad umano nitong ipinagbigay-alam sa mga malalapit sa lugar ang insidente hanggang sa maiahon ang bangkay at dumating ang mga otoridad.
Dumating din sa lugar ang ilan sa pamilya nito at nakumpirma ang kanyang pagkakakilanlan.
Bagama’t nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Batan PNP at SOCO kaugnay ng insidente, nabatid na nagtatrabaho ng humigit-kumulang dalawang taon bilang utility sa Barangay Hall ng Poblacion, Altavas ang babae, at nitong nakaraang Biyernes lamang ang huling pagduty nito doon.
Ayon naman sa ilang pamilya nito, mistulang nagka problema sa pag-iisip ang babae at nagpagala-gala na nagsasabing may humahabol sa kanya.
Samantala, hinihintay pa ng Batan PNP ang desisyon ng pamilya ng babae kung ipapa autopsy ang bangkay nito.