National News
Unang batch ng mga OFW na sasailalim sa quarantine, parating na sa Sabado
Paparating na sa Sabado, February 8, ang unang batch ng mga Pilipinong nagpasiyang umuwi na muna dahil sa kinatatakutang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).
Ito, ayon kay Chief Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, ang iniulat ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque kay Pangulong Duterte sa isinagawang Cabinet meeting kagabi.
Dagdag pa ni Panelo, inilatag din ni Duque ang mga ipatutupad na sistema sa paghahatid ng mga uuwing Pinoy mula China hanggang sa makarating ito sa Clark Airport at maihatid sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija kung saan sila isasailalim sa quarantine.
Kaugnay nito’y inatasan naman ng Pangulo si Duque na magtungo sa quarantine site at matugunan ang agam-agam ng mga taga-roon.
Ito partikular ang pangamba ng mga residente kasunod ng hakbang ng pamahalaan na sa kanilang lugar pansamantalang manuluyan muna ang mga kababayan nating dapat na sumailalim sa quarantine. – radyopilipinas.ph