Connect with us

Aklan News

3 ARESTADO SA ILLEGAL LOGGING; CHAINSAW NA PASO ANG REHISTRO, KINUMPISKA

Published

on

Photo| Makato PNP

Makato – Tatlo ang arestado dahil sa illegal logging bandang alas 3:00 Linggo ng hapon sa Aglucay, Makato, habang kumpiskado rin ang ginamit nilang chainsaw dahil paso na ang rehistro nito.

Kinilala ng Makato PNP ang mga naarestong sina Rouel Castillo Francisco, 20 anyos; Cedie Cañal Castillo, 25 anyos pawang taga Silakat Nonok, Lezo, at Bonifacio De Vicente Tiongson, 66 anyos ng Aglucay, Makato.

Base sa police report ng Makato PNP, naaktuhan ang tatlo sa kanilang ilegal na aktibidad sa tabi ng ilog doon na isinumbong naman ng isang concerned citizen sa mga pulis.

Sinasabing hinanapan sila ng mga pulis ng kaukulang dokumento partikular ang rehistro ng ginamit nilang chainsaw, subali’t nabatid na expire o paso na pala ito.

Kaagad inaresto ang tatlo at kinumpiska ang nasabing chainsaw pati na ang mga bahagi ng pinutol nilang kahoy na Bangkal na 18 pirasong 2x3x20;  1 piraso ng 2x3x16, na may kabuuang 210.6 board feet, at nagkakahalaga Php 4, 212.00.

Kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines ang kakaharapin ng tatlo dahil sa pagputol nila ng kahoy sa kagubatan at kasong paglabag naman sa RA 9175 o Chainsaw Act of 2002 dahil sa paggamit nila ng chainsaw na paso ang rehistro.