Aklan News
KALIBO, WALANG “NO MOVEMENT DAY” – MAYOR LACHICA
Tutol si Kalibo Mayor Emerson Lachica sa pagpapatupad ng “No Movement Day” o “One Day-Off” sa Kalibo.
Ayon sa panayam ng Radyo Todo sa Alkalde, napag-usapan umano sa Inter-Agency Task Force (IATF) meeting ang tungkol dito bilang parte ng mas pinahigpit na restriction sa Aklan ngayong nasa ilalim ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Binigyang kalayaan naman aniya ni Aklan Governor Florencio Miraflores ang bawat alkalde na magdesisyon sa pagpapatupad nito sa kani-kanilang bayan.
Ito ang dahilan kung bakit may No Movement Sunday sa iilang bayan gaya ng Ibajay.
Pero ayon kay Lachica, para sa kanya ay magdadagdag lang ito sa paghihirap ng mga maliliit na negosyante sa Kalibo.
Malaki na aniya ang epekto ng implementasyon ng business hours na hanggang alas-4:00 ng hapon sa mga establisyemento sa ngayon.
Para sa kanya ay sapat na ang paglimita ng hanggang sa 15 travel pass sa kada munisipalidad at ang pagpapatupad ng mas striktong pagbabantay sa bawat boundary ng barangay.